Nanawagan ang mga manggagawa at ang kanilang mga kinatawan para sa agarang pagpasa ng Workplace Bullying Prevention Bill, na layong protektahan ang karapatan at kapakanan ng bawat manggagawa sa bansa.

Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), mahalaga ang pagkakaroon ng mga polisiya laban sa workplace bullying, lalo na sa mga hindi pa regular na empleyado.

Aniya, marami sa kanila ang nakakaranas ng verbal abuse at iba pang uri ng pang-aapi sa trabaho dahil walang sapat na kapangyarihan o proteksyon.

--Ads--

Dagdag pa niya natatakot silang mawalan ng trabaho o hindi ma-renew ang kontrata nila.

Binanggit din niya na may umiiral na mga polisiya at batas tulad ng Safe Spaces Act, subalit may limitasyon ang implementasyon nito.

Kapag walang unyon sa isang kumpanya, mahihirapan ang mga manggagawa na ipatupad ang kanilang karapatan at agad matugunan ang mga kaso ng pang-aabuso.

Aniya, ang pagkakaroon ng unyon ay nagbibigay ng mas mabilis at epektibong paraan upang maipagtanggol ang karapatan ng manggagawa.

Ito rin ang paraan upang itaas ang antas at dignidad ng bawat manggagawa,” dagdag pa ni Mata.

Hinihikayat din ng SENTRO ang suporta sa mga polisiya na makakatulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga manggagawa, na ayon kay Mata ay makatutulong din sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.