Naglaan ang Public Order and Safety Office (POSO) Dagupan City ng palugit hanggang Marso 30 para sa mga tricycle driver na hindi pa nakakapag-renew ng kanilang prangkisa mula 2023 hanggang 2025 para madikitan ng stickers para sa 2026.

Ayon kay POSO Chief Arvin Decano, ang mga prangkisa ng tricycle na hindi mare-renew sa loob ng palugit na ito ay posibleng marevoke at maibigay sa iba pagsapit ng Abril.

Ayon sa datos ng POSO, maraming tricycle unit sa Dagupan ang hindi na nagrerenew ng prangkisa matapos ang tatlong taon.

--Ads--

Dahil dito, nagpasya ang POSO na magbigay ng palugit upang bigyang-daan ang mga nagnanais magkaroon ng prangkisa dahil wala nang masyadong bakante.

May bakante man pero panggabi ngunit ayaw ng karamihan dahil sa puyat at pagod mamasada sa ganung oras.

Ibinahagi ni Decano na nagmungkahi ang alkalde na dagdagan ang prangkisa ng tricycle sa lungsod, ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Decano dahil sa dami ng mga indibidwal na hindi nagre-renew ng kanilang prangkisa sa loob ng ilang taon kaya tatanggalin na lamang.

Ipinaliwanag naman nito na ilan sa mga dahilan kung bakit hindi nakakapag-renew ang mga tricycle driver ay dahil nahila ang kanilang mga tricycle dahil sa hulugan, nasira na ang mga ito, o kaya’y umalis na ang may-ari papuntang ibang bansa.

Binigyang-diin din ni Decano na hindi maaaring ibenta ang prangkisa dahil ayon sa batas, ito ay maaari lamang ipamana sa nanay, tatay, asawa, o anak.

Dagdag pa niya, marami ang nagbebenta ng kanilang prangkisa, ngunit ang mga bumibili nito ang nagkakaproblema dahil hindi nila alam kung legal ang kanilang operasyon, kaya’t dumarami ang mga “kolorom.”

Sa kasalukuyan, nababawasan na ang mga “kolorom” o mga tricycle na walang prangkisa sa lungsod dahil sa kanilang patuloy na operasyon.

Pinaalalahanan ni Decano ang mga hindi pa nagre-renew ng kanilang prangkisa mula 2023 hanggang 2025 na samantalahin ang pagkakataong ito hanggang Marso 30 dahil pagkatapos nito, posibleng marevoke na ang kanilang mga prangkisa.