Inihayag ng pamilya De venecia ang pagpanaw ng kanilang minamahal na asawa, ama, lolo, at patriarka, na si dating Speaker ng House, Jose C. De Venecia Jr.

Kilala si Speaker de Venecia o JDV sa higit anim na dekadang paglilingkod sa bayan bilang mamamahayag, diplomat, negosyante, mambabatas, at tagapagtaguyod ng kapayapaan sa buong mundo.

Siya ay naglingkod sa pitong termino sa House of Representatives, lima rito bilang Speaker. Pinangunahan niya ang mga makasaysayang batas na nagpatibay sa ekonomiya at demokrasya ng Pilipinas at nagpaunlad sa buhay ng milyun-milyong Pilipino, kabilang ang mga overseas Filipino workers.

--Ads--

Ayon kay Marites Cayabyab, isa sa mga malalapit sa pamilya, nabigla at umiyak siya nang malaman ang balita.

Aniya na parang pangalawang magulang niya ito. Mula sa kanya at sa kanyang pamilya ay nakapag-aral sila.

Kung wala sila aniya, wala silang oportunidad na sila ay makapag-aral.

Idinagdag niya na likas sa pamilya De Venecia ang maganda at simpleng pakikisama sa tao, at handang magbahagi ng kung ano ang meron sila.

Samantala, sinabi naman ni Eva Visperas, isang media friend ng pamilya, na nakaramdam siya ng kawalan at parang nawalan siya ng tatay.

Aniya na mahigit 20 taon na niyang kasama ang pamilya De Venecia. Tuwing kaarawan aniya ni JDV tuwing December 26, palaging silang nandoon para iparamdam sa kanya na lagi nila siyang kasama.

Dagdag niya na lagging siyang masaya, vibrant at energetic noon.

Pinuri rin niya ang dating Speaker bilang isang idolo at natatanging tagapagsalita na kung saan nakikita niya itong walang binabasa, direkta sa puso ang kanyang mga salita.

Sa kabila ng kanyang tagumpay at katungkulan bilang limang beses na Speaker ng House na isang rekord sa kasaysayan, nanatili siyang simpleng tao na may mapagpakumbabang asal.

Personal rin niyang kinumbinsi si Eva na dumalo sa isang international conference, na nagbigay inspirasyon sa kanya na maniwala sa sarili.

Sa pagdadalamhati ng pamilya at ng buong bansa, ipinapahayag ang pasasalamat sa isang buhay na nag-ambag nang malaki sa paghubog ng Republika ng Pilipinas at nag-iwan ng pamana sa batas, institusyon, at patuloy na pagpupunyagi para sa kapayapaan.