Dagupan City – Isinusulong ng National Food Authority (NFA) ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) upang maibalik ang kanilang regulatory at enforcement powers.
Ayon kay NFA Administrator Dr. Larry Lacson, layunin ng pag-amyendang ito ay upang ibalik ang market intervention ng NFA, kung saan maaari silang magbenta sa merkado maliban pa sa P20 na bigas at sa panahon ng kalamidad.
Makakatulong ito upang hindi maluma ang kanilang stocks at laging maging fresh ang bigas.
Sa pamamagitan nito, maoobliga ang mga grains retailers at traders na magparehistro at kumuha ng lisensya, na magbibigay sa gobyerno ng mas malinaw na datos tungkol sa mga players sa industriya at mga bodega ng bigas.
Sa kasalukuyan nasa “working group” na ng Kongreso at Senado ang mga panukalang batas na naglalayong palakasin muli ang tungkulin ng NFA sa merkado.
Kaugnay nito, kumpyansa naman ang ahensya na hindi magiging malaking banta ang illegal hoarding ng bigas sa bansa sa kasalukuyan, sa kabila ng nararanasang pagtaas sa presyo nito sa mga pamilihan.
Wala kasing indikasyon ng hoarding dahil manipis o halos walang laman ang mga pribadong bodega.
Ipinaliwanag naman nito na dahil mabilis ang pag-ikot ng suplay at mataas ang presyo ng palay at bigas, hindi praktikal para sa mga trader ang mag-imbak ng labis na stocks.
Bagama’t limitado ang mandato ng NFA sa paghahabol sa mga hoarders, handa silang makipagtulungan sa ibang sangay ng pamahalaan kung kinakailangan.










