Kinuwestiyon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang paggamit ng simbolong “Agila ng Pilipinas” kaugnay kay Vice President Sara Duterte, iginiit na hindi umano ito tumutugma sa mga isyung kinahaharap ng bise presidente.
Sa isang live broadcast, mas angkop umanong ihambing si Sara Duterte sa isang “buwitre” kaysa sa agila. Aniya, ang buwitre ay simbolo ng kasakiman at pananamantala.
Ipinaliwanag ni Castro na ang agila ay kumakatawan sa katapatan, katotohanan, lakas, at integridad. Kaugnay nito, tinanong niya kung nasaan umano ang mga katangiang ito sa pamumuno ni Vice President Duterte.
Binanggit din ni Castro ang mga isyu ng umano’y paglulustay at korapsyon, kabilang ang P125-M na ginastos sa loob ng 11 araw, ang P15-M na AFP certifications para sa youth summit na aniya’y hindi naganap, at ang isyu ng Mary Grace Piattos. Ipinunto rin niya ang kawalan umano ng malinaw na paliwanag sa ghost vouchers, COA flags, at laptop procurement.
Dagdag pa ni Castro, ang agila ay simbolo ng mataas na pamantayan at karunungan; mga katangiang aniya’y hindi niya nakita kay Sara Duterte, maging noong ito ay nagsilbi bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.
Muling tinalakay ni Castro ang simbolismo ng buwitre bilang kaugnay ng dishonesty, greed, at opportunism. Inugnay niya ito sa umano’y pagpapakalat ng fake news ng kampo ni Vice President Duterte.
Ayon pa kay Castro, hindi rin niya nakikita ang aktibong pagtatrabaho ni Sara Duterte at binanggit na madalas umano itong wala sa bansa. Tinukoy rin niya ang bansag na “money-eating eagle” kaugnay ng mga isyung hindi pa nasasagot.
Inakusahan din ni Castro ang mga Diehard Duterte Supporters (DDS) ng pag-aabang at paninira laban sa Pangulo dahil umano sa “greed of power,” at iginiit na may double standard sa pagtrato sa mga isyu ng korapsyon.
Sa usapin ng impeachment, sinabi ni Castro na hindi umusad ang mga reklamo dahil sa kawalan ng endorser at hindi dahil sa panghihimasok ng Pangulo. Aniya, maling impormasyon umano ang mga paratang kaugnay nito.
Binigyang-diin din ni Castro ang pagkakaiba ng impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanya, may mga pahayag umano ang mga eksperto na may direktang isyu ng kickback o lustay sa Office of the Vice President at Department of Education, samantalang wala umanong ebidensya na ang Pangulo mismo ang tumanggap ng kickback at siya pa ang nag-utos ng imbestigasyon.










