Dagupan City – Patuloy na hinahanap ang isang 78-anyos na residente ng Barangay Gueguesangen matapos itong umalis ng kanilang bahay upang silipin ang kaniyang mga kambing at hindi na muling nakauwi.
Ang nawawalang indibidwal ay kinilalang si Mauricio G. Dilinila. Batay sa pahayag ng kanyang kamag-anak, bandang alas-dos ng hapon noong Pebrero 4, 2026, nagtungo ang matanda sa palayan sa kanilang lugar, ngunit hindi na siya nakita pa matapos nito.
Inilarawan si Dilinila na may tinatayang taas na 5 talampakan at 5 pulgada hanggang 5 talampakan at 6 na pulgada, at huling namataan na suot ang puting T-shirt at kulay dark blue na short pants.
Iniulat ang pagkawala sa Sta. Barbara Municipal Police Station bandang alas-kwatro ng hapon noong Pebrero 5, 2026, at kaagad ding ipinaabot sa Pangasinan Police Provincial Office upang mapabilis ang koordinasyon at paghahanap.
Nanawagan ang kapulisan sa publiko na tumulong sa paghanap sa nawawalang senior citizen. Ang sinumang may kaalaman o nakakita sa kanya ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa kaniyang pamilya o sa Sta. Barbara MPS.










