Nadakip ng mga awtoridad ang sang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas matapos makuhanan ng halos walong gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Rosales.
Sa ulat ng Rosales Municipal Police Station (MPS), ang operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Kinilala ang suspek na isang 33-anyos na tricycle driver at residente ng Rosales.
Ayon sa pulisya, nahulihan ito ng kabuuang 7.9 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱53,720.00 base sa Standard Drug Price (SDP).
Ang ilegal na droga ay nakabalot sa walong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na umano’y ginagamit sa pagbebenta at pagtatago ng ipinagbabawal na gamot.
Bukod dito, narekober din mula sa suspek ang iba pang non-drug evidence na gagamitin sa imbestigasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang hinihikayat ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang masugpo ang ilegal na droga sa komunidad.










