Dagupan City – P8 bilyong na pondo ang nakalaan para sa mga proyekto sa patubig sa buong rehiyon para sa taong 2026.

Ayon kay Engr. Geffrey B. Catulin ang Acting Regional Manager ng NIA Region kabilang sa pondong ito ang mga “line projects” o malalaking proyekto, restoration ng National Irrigation Systems (NIS) at communal irrigation systems, pagpapakabit ng solar pump, at mga repair sa mga national irrigation systems.

Mayroon ding 236 na proyekto na ipinapanukala para sa 2026.

--Ads--

Kaugnay nito noong taong 2025 aniya ay mayroon pang natitirang 79 na proyekto na nagkakahalaga ng P2.7 bilyon.

Sa mga ito, 36 na ang nakumpleto at 43 ang kasalukuyang ginagawa kung saan mayroon nang 65.5% na total accomplishment para sa taong ito, at inaasahang matatapos ang mga proyekto bago matapos ang Hunyo.

Dagdag pa niya na nagkakaroon lamang ng problema sa pagtatapos ng mga proyekto dahil kailangan nilang maghintay matapos ang harvest season upang hindi maapektuhan ang pagsasaka ng mga magsasaka.

Dahil dito, 2-3 buwan lamang ang natitira para sa deconstruction bago muling magpatubig.

Ibinahagi naman nito na ang pinakamalaking proyekto na kanilang gagawin sa buong Rehiyon uno ay ang Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project na nagkakahalaga ng P37.5 bilyon kung saan ito ay isang “design and build” project na kailangan munang idisenyo bago simulan ang konstruksyon.

Naumpisa na rin ang Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Ilocos Norte, na nagkakahalaga ng P4.7 bilyon ngunit sa ngayon, P150 milyon pa lamang ang naibibigay para sa detailed engineering at design ng dam.

Sa Ilocos Sur naman, ongoing na rin ang detailed engineering ng Ilocos Sur Transmission Project na nagkakahalaga ng P5.9 bilyon.

Sa La Union, naumpisahan na ang San Felipe SRIP na nagkakahalaga ng P1.85 bilyon, at 15% na ang tapos sa dam nito as of December 2025.

Sa Pangasinan, tinatapos na ang Dumuloc Small Reservoir Irrigation Project sa Bugallon na nagkakahalaga ng P1.39 bilyon, at inaasahang makukumpleto bago matapos ang Hunyo 2026.

Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, inaasahan na ang mga ito ay makapagdaragdag ng area na patutubigan at makatutulong sa pagkamit ng “rice self-sufficiency” na layunin ng Pangulo sa buong bansa.