Puspusan ang isinagawang anti-rabies vaccination sa Barangay Zone 1 sa bayan ng Rosales bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa rabies at upang mapanatiling ligtas ang komunidad.

Ayon sa barangay health worker na si Marites Macaranas, maayos namang nakikiisa ang mga pet owner sa kanilang lugar.

Aniya, agad na dinadala ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop tuwing may isinasagawang vaccination drive sa barangay.

Hindi bababa sa limampung pet owner ang lumalapit sa barangay upang pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop, na karamihan ay mga aso.

Malaking tulong umano ito upang mapigilan ang pagkalat ng rabies, lalo na sa mga komunidad na may maraming alagang hayop.

Sa kasalukuyan, wala namang naitatalang kaso ng rabies sa Barangay Zone 1, bagay na iniuugnay ng mga opisyal sa regular na pagbabakuna at pakikipagtulungan ng mga residente.

Patuloy namang pinapayuhan ang mga pet owner na tiyaking nasusunod ang regular na pagpapabakuna ng kanilang mga alagang hayop bilang pangunahing hakbang sa pag-iwas sa rabies.

--Ads--

Paalala rin ng mga health worker na sakaling makagat ng hayop, agad na hugasan ang sugat sa umaagos na tubig at magtungo sa pinakamalapit na Rural Health Unit para sa agarang pagpapabakuna at gamutan.

Tiniyak ng barangay na magpapatuloy ang ganitong mga programa upang mapanatiling ligtas ang komunidad laban sa rabies at iba pang sakit na maaaring maidulot ng kagat ng hayop.