Dagupan City – Tinawag ng isang political analyst na tila “medyo balat-sibuyas” ang ilang mambabatas sa reaksyon nila sa isyu kaugnay kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Gayunman, giit niya, hindi rin masisisi ang House ethics committee dahil ang umano’y ipinakitang asal ni Barzaga ay hindi nararapat sa isang halal na opisyal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, na may konstitusyonal na tungkulin ang bawat mambabatas.
Aniya, may karapatan silang magpahayag at magbatikós sa pamahalaan, ngunit may tamang paraan para gawin ito sapagkat sila ay kumakatawan sa kanilang sektor.
Dito na ipinaliwanag ni Yusingco ang freedom of speech, na aniya ay hindi umano dapat ituring na lisensya upang masabi ang kahit anong nais, lalo na kung ang pahayag ay maituturing na libelous.
Kaugnay nito, ang mga naging pahayag umano ni Barzaga tungkol sa Senado at posibilidad ng pag-aaklas ng militar o ng taumbayan laban sa gobyerno ay maituturing na “borderline seditious.”
Dagdag pa ni Yusingco ang umano’y pagkuwestyon ni Barzaga sa PNP hinggil sa pag-serve ng warrant of arrest kay Zaldy Co, bagay na nakadagdag sa kontrobersiya.
Tinalakay rin ni Yusingco ang umano’y kakulangan ng ilang mambabatas pagdating sa moralidad, na aniya’y nananatiling tahimik ang ilan sa harap ng mga isyu sa loob mismo ng Kongreso.
Matatandaang si Barzaga ay pinatawan ng 60-day suspension dahil sa disorderly behavior.
Ayon kay Yusingco, maaari pa ring maibalik ng mga mambabatas ang tiwala at integridad sa publiko kung tutugunan nila ang panawagan ng bayan—kabilang na rito ang pagsusulong at pagpasa ng anti-dynasty law.








