Dagupan City – Matagumpay na idinaos ng Sangguniang Kabataan Federation, sa pakikipagtulungan sa Local Youth Development Office, ang PROJECT empowHER sa Binmaley Teen Center bilang bahagi ng pagsusulong ng kalusugan, edukasyon, at kapakanan ng mga kabataang kababaihan sa bayan.

Tampok sa programa ang isang educational seminar na tumalakay sa emosyonal at sikolohikal na epekto ng menstruation.

Pinangunahan ito ni Ms. Geneshir Rose C. Castro, RPM, CHRA, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman upang matulungan ang mga kabataang babae na higit na maunawaan ang mga pagbabagong kanilang nararanasan at ang kahalagahan ng pangangalaga sa kanilang mental at reproductive health.

--Ads--

Bilang bahagi ng programa, namahagi rin ng libreng sanitary napkins para sa mga kalahok sa tulong ni Mayor Ana Merrera.

Nagkaroon din ng pamimigay ng mga pre-loved na kasuotang pambabae na donasyon ni SK President Janiea, kung saan malayang nakapili ang mga dumalo ng mga damit na maaari nilang maiuwi.

Nakatanggap din ng opisyal na sertipiko ang lahat ng mga kalahok bilang pagkilala sa kanilang aktibong pakikibahagi sa seminar at iba pang aktibidad na isinagawa sa ilalim ng PROJECT empowHER.

Sa pamamagitan ng programang ito, muling ipinakita ng Sangguniang Kabataan Federation at ng Local Youth Development Office ang kanilang patuloy na suporta sa pagbibigay ng mga programang nagtataguyod ng kaalaman, kalusugan, at kapakanan ng mga kabataang kababaihan sa Binmaley.