DAGUPAN CITY- Pagtatakip lamang umano sa katotohanan ang isinagawang survey ng gobyero kung saan nagpapakita umano ng pagbaba ng unemployment rate sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno, tipikal lamang na tumataas ang employment rate tuwing Christmas Season dahil sa mga artificial employments.
Ang artificial employment ay ang short-term employment na kadalasan kinakailangan tuwing holiday season kung saan ibinibilang sa mga ito ang nagbebenta ng bulaklak tuwing undas at maging parol sa tuwing papalapit ang kapaskuhan.
Giit niya na malaking drama lamang ng gobyerno ang pagsasagawa ng survey tuwing nalalapit ang holiday season upang ipakitang may pagtaas sa bilang ng mga may trabaho.
Kung ibabatay naman sa conservative data ng Philippine Statistics Authority noong August 2025, mahigit 2 million na mga Pilipino ang walang trabaho.
Ito umano ang tunay na nakakapag-alala dahil magreresulta ito ng kahirapan at kagutuman sa bawat pamilya ng manggagawang Pilipino.
Sa katunayan, hindi naman talaga gumawa ang gobyerno ng pang matagalan na trabaho at may nakabubuhay na sahod.
Dumadami lamang ang populasyon sa bansa kasabay ang pagdami rin ng mga walang trabaho.
Kaya lumalabas rin sa datos na 7,000 ang bilang ng mga Pilipino na umaalis sa bansa upang magtrabaho.
Bukod pa riyan, wala din pagbabago sa kontraktwalisasyon sa bansa at 16%-17% sa mga may trabaho ay kabilang sa mga ito.










