Dagupan City – Pormal nang isinagawa ngayong umaga ang aktibasyon ng 911 hotline sa Tactical Operation Center ng Dagupan City Police Station. Layunin ng programang ito na tiyakin ang mas mabilis at koordinadong pagtugon ng mga pulis sa oras ng emergency.

Pinangunahan ito ni PLtCol Lawrence Keith Calub. Bahagi ito ng implementasyon ng 5-minute response time ng Philippine National Police sa ilalim ng 911 Philippine Hotline, na ipinatutupad sa iba’t ibang lungsod sa bansa.

Ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ng PNP leadership sa pamumuno ni PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III. Ito ay bilang tugon na rin sa panawagan ng Pangulo na paigtingin ang seguridad at serbisyo ng kapulisan sa mamamayan.

Target ng programa na mapahusay ang kahandaan ng mga pulis sa pagtugon sa mga insidente. Ang Dagupan ay kabilang sa mga pilot areas para sa pagsubok ng sistemang ito na inaasahang ipapatupad din sa iba pang bahagi ng bansa.