Bumalik na sa normal na lebel ng tubig ang Marusay-Sinucalan River matapos ang pagbaha dulot ng magkakasunod na pag-ulan at pananalasa ng bagyo, ayon sa pinakahuling monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao.
Bagamat idineklara ang state of calamity sa nasabing bayan, patuloy pa rin ang pagtutok ng mga awtoridad sa kalagayan ng tatlong barangay na nananatiling may stagnant water.
Ayon kay Kristine Joy Soriano ng MDRRMO Calasiao, ang tubig sa mga lugar na ito ay hindi agad humupa bunsod ng kawalan ng madaluyan.
Sa kabila nito, balik na sa normal ang operasyon ng mga paaralan sa bayan.
Sa kabuuan, tinatayang 108,829 na indibidwal o 27,860 na pamilya ang naapektuhan ng kalamidad.
Sa kasagsagan ng pagbaha, humigit-kumulang 1,100 indibidwal o halos 280 pamilya ang na-displace, karamihan ay mula sa mga barangay ng Lasip, Mancup, Gabon, Talibaew, at Poblacion.
Sa kasalukuyan, wala nang naitalang displaced na pamilya o indibidwal.
Base sa inisyal na damage assessment report, umabot sa P239,700,000 ang pinsala sa mga kalsada at tulay, habang P17,375,000 naman ang tinamong pinsala sa mga paaralan.
Sa sektor ng agrikultura, tinatayang nasa P38,889,400 ang napinsala, habang P632,800 naman ang naitalang pinsala sa larangan ng veterinary, livestock, at poultry.
Sa kabuuan P296,597,200 ang kabuuang danyos mula sa naranasang kalamidad.
Apat na kabahayan naman ang naitalang bahagyang nasira bunsod ng kalamidad.
Patuloy din ang pagtanggap ng mga apektadong pamilya ng ayuda at tuloy-tuloy ang koordinasyon ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa mga barangay upang matukoy ang iba pang pangangailangan ng mga residente.