Dagupan City – Pinagsasaksak ang 19-anyos na dalaga sa San Carlos City dahil sa hinihinalang paghihiganti.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng San Carlos City Police Station nangyari ito sa Sitio Butao, Barangay Isla, San Carlos City.
Lumalabas naman na dakong ala-1:00 ng hapon, habang nagpapastol ng mga kambing ang biktima sa kanilang bakuran, biglang lumitaw ang suspek mula sa kanyang pinagtataguan sa ilalim ng punong mangga.
Bitbit ang kutsilyo, sinugod ng 24-anyos na suspek ang biktima at pinagsasaksak ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod ng pamilya ang biktima sa Ospital para sa agarang medikal na atensyon matapos na magtamo ng mga malalalim na sugat sa likod.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at dinala rin ito sa City Health Office para sa kinakailangang medikal na eksaminasyon bago dinala sa pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.