Nasawi ang dalawang katao at 28 ang sugatan matapos mabangga ng bus na kanilang sinasakyan ang isang puno at mahulog sa kanal sa tabi ng daan sa Dumingag, Zamboanga del Sur.

Karamihan sa mga pasahero ay mga estudyante na papunta sa kanilang ROTC graduation practice.

Ayon kay Jufil Mabanag, municipal information officer ng Dumingag, naganap ang aksidente sa Purok 4, Barangay Mahayahay, kung saan papunta ang bus sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, galing sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

--Ads--

Isa sa mga nasawi ay si Roy Bermudez, isang kadete ng Reserve Officers Training Corps (ROTC).

Isa pang biktima ay isang senior citizen.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nahulog ang bus sa kanal matapos makaranas ng problema sa preno.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang mga biktima.