Natagpuang wala ng buhay ang isang 19-anyos na estudyante sa kanyang silid sa Barangay La Filipina, Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Ayon sa Tagum City Police Station, nakita ang biktima na wala ng buhay at tinakpan ng kumot sa loob ng kanyang silid kung saan nagtamo ito ng 38 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa pulisya, may indikasyon na kinuha ng mga suspek ang mga gamit ng biktima, kabilang ang laptop computer, cellphone, tablet, at relo.
Nakuha naman ng mga pulis sa crime scene ang grass cutter, isang bolo, dumbell, at panyo na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagpaslang sa biktima.
Pagnanakaw naman ang iniimbestigahang motibo sa nasabing krimen.
Kaugnay nito, tiniyak ni Davao del Norte Police Provincial Director, Col. Alexander Serrano Jr. na mahigpit ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa insidente.
Nanawagan din siya sa mga posibleng may alam sa krimen na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad para sa maresolba ang nasabing krimen.
Determinado naman ang pamilya ng biktima na isasailalim sa otopsiya ang bangkay upang malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.