Dagupan City – Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan 3rd District Engineering Office ang kaligtasan at katatagan ng Narciso Ramos Bridge matapos ang agarang pagkukumpuni sa mga napansing sira sa expansion joint nito.

Ayon kay District Engineer Maria Venus S. Torio, ang mga uka sa tulay ay normal na bunga ng pagkasira ng mga materyales tulad ng aspalto at kongkreto lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Ang pag-contract at expansion ng mga materyales ay nagdudulot ng pagbukas ng ilang bahagi ng tulay.

--Ads--

Kaya upang maibsan ang pag-aalala ng publiko, agad na tinugunan ng DPWH ang problema kung saan ang pagkukumpuni ay pansamantalang solusyon lamang dahil may nakalaang budget na umaabot ₱250 milyon mula sa DPWH Region 1 para sa isang mas malawakang retrofitting ng tulay, na inaasahang magsisimula ngayong buwan o sa Agosto para naman sa pangmatagalang solusyon para sa mas matibay at pangmatagalang paggamit ng tulay.

Binahagi pa ni Engr. torio na nasa 27 taon na ang tagal ng nasabing tulay at ito ay may habang 1.4 kilometers kaya tinaguriang pinakamahabang tulay hindi lang sa Pangasinan kundi sa buong northern luzon.

Saad nito na nasa 15 tonelada ang kapasidad na bigat na kayang buhatin ng tulay ngunit nakakaya pa naman ang ilang truck na dumadaan dito kaya minsan nagkakaroon ng ibat-ibang problema ngunit hindi naman nila ito pinapabayaan.

Nagpasalamat naman ito sa publiko lalo na sa pagpuna sa ilang problema sa tulay na agad nilang nalalaman upang matugunan para hindi magkaroon ng malalang problema sa hinaharap.

Samantala, sinabi ni Engr. David Palaganas, Chief ng Maintenance Section, na wala nang dapat ikabahala ang publiko dahil napalitan na ang mga lumang materyales nito ng mga bago at matibay.

Binilisan nila ang pagkumpuni dahil sa tag-ulan upang maiwasan ang mga aksidente.

Sa ngayon ay wala pang naiulat na problema sa mga sasakyan na dumaan sa tulay matapos ang pagkukumpuni habang patuloy parin ang kanilang ginagawang monitoring dito upang makita pa ang mga posibleng sira ng tulay.