Wala umanong ebidensiyang may nangyaring foul play o sexual assault, sa pagkamatay ng isang madre natagpuan na walang anumang saplot sa inuupahan niyang apartment sa Brgy. San Carlos, Lipa City, Batangas.
Kinilala ang biktima na si Sister Rita Rama, 54 taong gulang, tubong Matanao, Davao del Sur, at pansamantalang naninirahan sa La Mera Vigliosa Apartment sa Adelina Homes.
Nadiskubre ang kanyang bangkay matapos siyang bisitahin ng kanyang matalik na kaibigan, na agad nakaramdam ng hinala na may masamang nangyari.
Ayon sa kanyang kaibigan, nakabuo siya ng hinala nang mapansin ang masangsang na amoy na nanggagaling sa apartment, kaya humingi siya ng tulong sa mga opisyal ng barangay matapos matuklasan na nakasarado ang pinto at mga bintana ng nasabing lugar.
Pagbukas ng apartment, doon nila natagpuan si Sister Rita na wala nang buhay, walang saplot, at nakahiga sa kanyang kama.
Sa paunang imbestigasyon ng Lipa City Police at Scene of the Crime Operatives (SOCO), napansin ang mga pasa sa katawan ng biktima at may bakas ng dugo sa maselang bahagi ng katawan at sa bedsheet.
Gayunman, ayon sa resulta ng awtopsiya, napatunayang myocardial infarction o atake sa puso ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Patuloy ang dokumentasyon ng kaso ngunit itinuturing ito na natural death base sa mga ebidensiya at medikal na pagsusuri.