DAGUPAN CITY- Inihayag ni US Defense Secretary Pete Hegseth na “wasak” ang nuclear program ng Iran matapos ang isinagawang airstrikes ng Estados Unidos sa tatlong pangunahing pasilidad nito.
Ayon sa kanya, layunin ng mga pag-atake na pigilan ang Iran sa pagbuo ng sandatang nuklear, at hindi ito tungkol sa pagpapabagsak ng rehimen.
Aniya, gumamit ang US ng 14 Massive Ordnance Penetrators o tinatawag ding “bunker busters”, mga bomba na idinisenyong tumagos sa malalalim na target gaya ng mga underground nuclear sites.
Mga bagong satellite images mula sa Fordo nuclear facility ang nagpapakita ng anim na panibagong crater o hukay, na indikasyong malalakas ang naging tama ng airstrikes.
Habang nangyayari ito, nagpalitan ng airstrikes ang Iran at Israel.
Ayon sa Israel, tinarget nila ang “dose-dosenang military sites” sa loob ng Iran.
Nauna nang binalaan ni US President Donald Trump ang Iran na gumawa ng kapayapaan o harapin ang mas matitinding atake sa susunod.
Bilang tugon, nagbabala ang Iran ng “walang hanggang kapalit” at inakusahan si Trump ng malaking pagtataksil.
Patuloy pa rin ang tensyon sa rehiyon, habang kapwa naninindigan ang Iran at Israel sa kani-kanilang mga hakbang militar.