Dagupan City – Mga kabombo! Gaano ka nakasisigurong ‘single’ ka?

Paano na lamang kung malaman mong ‘married’ ka na pala sa dati mong ex-girlfriend?

Isang 42-anyos kasi na lalaki sa Texas, U.S. ang nabigla­ nang madiskubre niyang kasal na pala siya sa kan­yang ex-girlfriend kahit pa matagal na silang naghiwalay at wala siyang anumang alam o pahintulot ukol dito.

--Ads--

Batay sa ulat, nagulat na lamang ito nang umuwi ang biktima sa kaniyang bahay at nakatanggap ng isang gift basket mula sa kaniyang ex na kinilalang si Kristin Marie Spearman, 36-anyos.

Nang buksan ang regalo, dito na tumambad ang larawan ng kaniyang ex na si Spearman na may hawak na marriage certificate, at opisyal na kopya ng marriage license na ipinasa na sa county clerk’s office na may kalakip na mensaheng “Congrats, maybe call your wife.”

Pagbahahagi ng lalaki, nagkarelasyon sila ni Spearman at kumuha ng marriage license pero bago pa matuloy ang kasalan, nagkahiwalay sila matapos ang isang matinding alitan.

Dahil dito, pinutol niya ang ugnayan sa ex at binago pa ang kanyang phone number para hindi na siya makontak ng dating nobya.

Ngunit, lingid sa kaniyang kaalaman, may balak pala ang dating nobya na ikasal ito sa kaniya.

Humingi siya ng serbisyo ng isang lokal na pastor para sertipikahan ang kasal, kahit hindi siya dumalo o pumayag sa sere­monya.

Pagkatapos nito, personal na inihain ni Spearman ang marriage certificate sa county clerk’s office, dahilan para maging legal ang kanilang kasal, kahit peke at wala siyang kaalam-alam.

Dahil dito, humingi ng tulong ang lalaki sa mga pulis noong June 13. Naaresto si Spearman at nahaharap ngayon sa kasong felony stalking, habang binigyan ng emergency protective order para maprotektahan ang biktima.