Dagupan City – Arestado ang isang 42-anyos na lalaki sa bayan ng Asingan matapos magsagawa ng buy bust operation ang pinagsamang pwersa ng Asingan Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA-RO1).

Isinagawa ito sa Barangay Dupac kung saan ang suspek ay residente sa bayan na isang driver at nabibilang sa Street Level Individual ng illegal drugs.

Nakumpiska dito ang nasa 4 na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang Shabu na may bigat na 0.5 gram na may Standard Drug Price na P3,400.

--Ads--

Bukod dito ay nakuha din sa kanya ang iba pang drug paraphernalia gaya ng isang piraso ng glass tube tooter, at pera.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan ang mga ebidensya at ng suspek kung saan inihahanda na ang kasong maaring maipataw dito na may kinalaman sa illegal na droga.

Patuloy naman ang pagtukoy pa ng mga otoridad sa mga posibleng kasabwat o nasa likod ng mga ganitong gawain na maari pang kumalat sa bayan ng Asingan.