DAGUPAN CITY- Inabisuhan na ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) ang mga nag-aalaga ng bangus sa lalawigan upang paghandaan ang epekto ng panahon ng tag-ulan at ang bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jordan Carpio, Technical Head ng nasabing grupo, sinabihan na nila ang mga ito na taasan na ang kanilang mga pilapil, palaliman ang palaisdaan, at lagyan ng matataas na lambat ang kanilang pangisdaan.

Aniya, may mga lugar sa lalawigan na sa tuwing tag-ulan ay nagkakaproblema sa kanilang mga alagang isda dahil sa pagbaha o pagtaas ng tubig.

--Ads--

Sa lugar ng syudad ng Dagupan at bayan ng Binmaley ay nagkakaroon na ng kaonting pagbabawas ng mga bangus lalo na kung malapit sila sa kailugan.

Karamihan kase sa mga ito ay walang mga pilapil kaya kapag inabutan ng tubig ilog ang kanilang palaisdaan ay nakakaapekto ito sa kalagayan ng kanilang mga bangus.

Napansin din aniya ng ilang mga mangingisda na nagkakaroon ng sugat ang mga isda dahil sa bacteria na dala ng unang pag-ulan.

Ibinahagi naman ni Pitlo na masasabing hindi na ligtas kainin ang isang isda kung ito ay mula sa fishkill o gataw, partikular na kung hindi na tumitigas kahit pa ibabad sa yelo.

Samantala, sinabi pa niya na may pagkakataon na nakakabuti ang high-tide sa mga isda kung saan gumaganda ang kain ng mga ito kapag maaga ito nangyari. Humihina naman kapag late na ito.

Gayunpaman, nakikita nila sa taon na ito ay magkakaroon ng magandang presyo ang bangus sa pamilihan.