DAGUPAN CITY- Pinalawig ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region I ang mga programa at proyekto para sa proteksyon ng wildlife sa rehiyon, sa kabila ng kakulangan sa pansin at pondo para sa ilang priority programs.
Ibinahagi ni Atty. Crizaldy M. Barcelo, Executive Director ng DENR Region I, na sa kabila ng mga hamon, naisasakatuparan pa rin ang mga hakbang para mapangalagaan ang mga endangered species sa rehiyon.
Kabilang dito ang mga marine turtles sa San Fernando, La Union kung saan may Memorandum of Agreement (MOA) ang ahensya sa isang non-government organization (NGO) na siyang nangangasiwa sa pangangalaga ng mga ito.
Pinatatag din ang community education partnerships sa Region II, na may layuning protektahan ang mga lugar kung saan may mga naitatalang sightings ng Philippine eagle, partikular sa Ilocos Norte at Cagayan.
Sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan, matatagpuan ang isang critical habitat na umaabot sa humigit-kumulang 4,000 ektarya.
Ayon sa DENR, tahanan ito ng iba’t ibang species ng hayop at halaman. Mayroon ding naitalang mga conservation areas sa Ilocos Norte na pinoprotektahan ng lokal na pamahalaan katuwang ang ahensya.