DAGUPAN CITY- Isang bahay ang natupok ng apoy sa Ydia Street, Poblacion, sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan nitong Sabado ng umaga.
Pasado alas-7 ng umaga nang matanggap ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ulat ukol sa sunog.
Agad itong rumesponde, ngunit pagdating ng mga bumbero ay malaki na ang apoy at mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Umabot sa second alarm ang insidente dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Ayon sa mga awtoridad, gawa sa light materials ang ilang bahagi ng bahay kaya’t lalo itong lumakas.
Dakong 8:20 ng umaga nang ideklara ng BFP na under control na ang sunog, at tuluyang fire out pagsapit ng 8:30.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Gayunpaman, lubos ang naging pinsala sa pamilya ng nasunugan dahil wala silang naisalbang kagamitan o ari-arian mula sa kanilang tahanan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.
Samantala, inaalam na rin kung kinakailangan ng tulong o relokasyon ang apektadong pamilya.