DAGUPAN CITY- Pagpapaigting pa ng information dissemination ang pinanghahawakang sandata ng pamahalaan ng Manaoag sa pagtugon mula sa banta ng Human Immunodeficiency Virus (HIV).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, marami pa umano sa kanilang bayan ang wala pang sapat na kaalaman hinggil sa problemang ito.

Maliban pa riyan, marami rin ang in-denial pa at ayaw o takot dumagdag sa bilang kahit na matutulungan ang mga ito.

--Ads--

Sa kanilang kampanya ay pagtutuonan nila ang pagbibigay edukasyon sa mga mamamayan at maging sa mga bisita para sa pagsugpo o pag-iwas sa sakit na ito.

Karamihan kase sa mga Guest Relations Officers (GRO) o mas kilala sa tawag na sex workers na naitatala sa kanilang bayan ay mga dayo lamang, lalo na sa tuwing weekend.

Tiniyak ni Mayor Rosario na lalo pa nila pagtitibayin ang kanilang mga programa dahil marami pa rin ang nagiging pasaway kahit may alam na sa masamang epekto ng nasabing sakit.

Aktibo rin ang programa ng kanilang mga Rural Health Unit (RHU) upang magsagawa ng sariling kampanya kontra HIV.

Ipinapakita rin ng mga LGBTQ groups sa kanilang bayan ang labis na pagsuporta sa kanilang mga programa.