DAGUPAN CITY- Dapat na tutukan ang mas masusing pagresolba at imbestigasyon sa mga lumalabag sa batas ukol sa halalan, lalo na ang mga kasong may kinalaman sa vote buying.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao, convenor ng grupong Kontra Daya, mahirap imbestigahan ang mga iregularidad sa panahon ng eleksyon, gaya ng pagbili ng boto, dahil kadalasang kulang sa konkretong ebidensya.
Aniya, ang tanging magagawa sa kasalukuyan ay umasa sa mga testimonya ng mga mamamayan sa mismong mga lugar kung saan nangyayari ang insidente.
Ayon pa kay Arao, mas kumplikado na ngayon ang mga kalakaran ng vote buying kumpara sa mga nakasanayang paraan noong mga nakaraang eleksyon.
Patuloy umanong inaalam ng kanilang grupo ang mga bagong modus na ginagamit sa panunuhol ng mga botante.
Bukod dito, hindi lamang mga kandidato ang sangkot ngayon sa vote buying kundi maging ang ilang party-list groups.
Isa ito sa mga bagong hamon sa pagtiyak ng malinis at tapat na halalan sa bansa.
Dahil dito, dapat aniyang seryosohin ng mga awtoridad ang mga kaso ng election offenses upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang integridad ng halalan.