DAGUPAN CITY- Naghahanda na ang Schools Division Office (SDO) ng Urdaneta para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa darating na Hunyo 16.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent ng SDO Urdaneta, isa mga pangunahing hakbang ng paghahanda ay ang isasagawang Brigada Eskwela na nakatakda mula Hunyo 9 hanggang 13.
Aniya, nagsasagawa na ng mga pagpupulong ang mga guro at namumuno sa mga paaralan upang masiguro ang maayos at epektibong pagpapatupad ng naturang aktibidad.
Magkakaroon din ng sabay-sabay na kickoff activity sa buong lungsod ng Urdaneta bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng Brigada Eskwela.
Bukod dito, handa na rin umano ang kanilang opisina para sa pagbubukas ng bagong school year, kung saan mayroon na silang nakahandang pre-implementation plan, implementation plan, at post-implementation plan.
Nagpaalala rin si Fernandez sa mga magulang na magpapalista ng kanilang mga anak na siguraduhing dala ang mga kinakailangang dokumento sa panahon ng enrollment.
Tiniyak din ng SDO Urdaneta na kanilang ibubuhos ang lahat ng makakaya upang maipagkaloob ang dekalidad na edukasyon sa lahat ng mga mag-aaral sa lungsod.