Dagupan City – ‎Umabot sa mahigit 300 aso at pusa ang nabakunahan kontra rabies sa isinagawang libreng anti-rabies vaccination drive sa barangay Bacayao Norte sa Dagupan City.
‎
Layon ng hakbang na ito na mapanatiling ligtas ang komunidad at maiwasan ang pagkalat ng rabies sa lungsod—isang sakit na maaaring ikamatay ng tao kapag hindi agad naagapan.
‎
Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng pamahalaang lokal para mapalaganap ang tamang kaalaman at pag-iingat kaugnay ng rabies, lalo na sa mga lugar na may mataas na bilang ng alagang hayop.
‎
Paalala naman ng City Veterinarian’s Office sa mga pet owner na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga hayop. Ugaliing pabakunahan ang mga ito laban sa rabies taon-taon upang mapanatiling ligtas hindi lamang ang mga alaga, kundi pati na rin ang kanilang mga pamilya at komunidad.
‎
Ang programang ito ay isa lamang sa mga hakbang ng lungsod tungo sa rabies-free na Dagupan.