DAGUPAN CITY- Idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagsisimula ng tag-ulan sa bansa, matapos mapatunayan ang pag-iral ng mga pangunahing palatandaan nito gaya ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng PAGASA-Dagupan City, ang mga pagbabagong ito ay kumpirmasyon na nasa yugto na muli ng tag-ulan ang malaking bahagi ng bansa, partikular na ang kanlurang Luzon.
Ipinaliwanag niya na ang mga pagbabagong ito sa weather pattern, direksyon ng hangin, pag-ulan, at maging ang temperatura ay may direktang kaugnayan sa patuloy na epekto ng climate change.
Dagdag pa niya na ang pinaka-seryosong epekto ng pag-iral ng habagat ay ang pagbaha, lalo na kapag ito ay pinalalakas ng low pressure area (LPA) o bagyo.
Tinukoy din niya na ang Pilipinas ay kabilang sa tinatawag na Type 1 climate, na karaniwang direktang naaapektuhan ng southwest monsoon.
Bagaman pormal nang idineklara ang tag-ulan, nagbabala pa rin ang PAGASA sa posibleng mga epekto ng localized thunderstorms gaya ng biglaang malalakas na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat na maaaring magdulot ng panganib lalo na sa mga mabababang lugar.