Mga kabombo! Isa ka ba sa mga hindi makaalis kapag hindi nakakapag-makeup?

Paano na lamang kung ang inaabangan mong pagtravel ay mauuwi pala sa hindi inaasahang pagkakataon? Sabi nga ng ilan, minsan ang ganda mo—ay pwedeng maging hadlang sa biyahe mo!

Viral kasi ngayon ang isang babae sa Shanghai Airport kung saan ay napilitan itong tanggalin ang kanyang makeup matapos siyang hindi makilala ng facial recognition scanner.

--Ads--

Sa video na kuha noong Setyembre 2024, makikita ang isang babae na nakasuot ng puting blouse at maroon vest habang pinupunasan ang kanyang mukha gamit ang wet wipes sa harap ng salamin.

Ayon sa maririnig sa background, isang staff ng airport ang nagtanong kung bakit gano’n na lamang ang make-up ng babae.

Hindi malinaw kung nakalusot sa scanner ang babae matapos magtanggal ng makeup, ngunit mabilis na umani ng iba’t ibang reaksyon ang insidente mula sa mga netizen.

Sa isang larawan mula sa video, kitang-kita ang pagkabalisa ng babae habang pilit binabalik ang natural niyang hitsura.

Maraming netizens ang natawa at naaliw sa pangyayari, pero may ilan ding nagpakita ng simpatya sa babae.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naging isyu ang facial recognition sa China. Sa mga nakaraang taon, ilang Chinese nationals ang nahirapang makauwi mula South Korea matapos ang cosmetic surgery dahil hindi sila nakilala ng mga scanner sa airport.