Nasawi ang isang miyembro ng Kenyan Parliament matapos pagbabarilin sa Nairobi ng mga armadong kalalakihan.

Ayon sa kapulisan, lulan umano ng motorsiklo ang mga suspek nang sundan nila ang sasakyan ni Charles Ong’ondo Were sa kahabaan ng Ngong road bago nila ito nilapitan at binaril nang malapitan.

Hindi naman nagtamo ng anumang sugat ang kaniyang driver at bodyguard at nagawa pa nilang itakbo si Were sa Nairobi Hospital.

--Ads--

Kalaunan ay idineklarang dead on arrival ang nasabing miyembro ng parlyamento.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon subalit, hindi pa natutukoy ang motibo ng mga suspek.

Tiniyak na rin ni Kenyan President William Ruto na mananagot ang nasa likod ng pamamaril.

Samantala, dalawang buwan bago ang naturang insidente, sinabi na ni Were na nakakatanggap siya ng pagbabanta sa kaniyang buhay.