DAGUPAN CITY- Inaasahang makakakolekta ang Waste Management Division ng nasa 7 hanggang 8 truck ng basura sa gaganaping Kalutan Ed Dalan Bangusan Street Party sa New Devenicia Road Extension ngayong araw.
Ayon kay Bernard Cabison ang head ng nasabing opisina na libo-libo ang bibisita na mula pa sa mga karatig lugar sa bansa mamaya kaya hindi maiwasan ang mga basurang maikakalat dito.
Aniya na nagkaroon na sila ng pagpaplano para sa maaring deployment ng kanilang tauhan bilang mga backliner pagkatapos ng event.
Tinatayang nasa humigit kumulang 100 ang mga tauhan na tututok sa mga kalat na maiiwan sa kaganapan kung saan mauumpisahan ang paglilinis ng alas 2 ng madaling araw.
Karamihan aniya sa mga basurang makokolekta dito ay mga plastic bottle, bote ng alak at iba pa habang bibigyan naman ng prayoridad ang maitatapon na uling na kailangan pang basahin para kapag itapon ay hindi magsanhi ng sunog.
Pagbabahagi naman nito na sa nakalipas na gilon-gilon ed baley ay nakapagkolekta lamang sila ng nasa 2 truck ng basura.
Samantala, paalala nito sa publiko na maging masinop upang kasabay ng kasiyahan ay mapapangalagaan parin ang kalikasan sa pamamagitan ng malinis at maayos na pagtatapon ng basura.