DAGUPAN CITY- Matagumpay na isinagawa ang Fire Olympics sa bayan ng San Fabian bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Fabian upang magbigay ng kamalayan sa mga kabataan ukol sa mga hakbang na dapat gawin pagdating sa pagresponde sa sunog.
Ayon kay Fire Senior Inspector Eric S. Catte, layunin nitong turuan ang mga kabataan kung paano umaksyon sa mga ganitong insidente at kung anong mga hakbang ang nararapat gawin upang makaiwas sa pagkakaroon ng sunog sa kapaligiran.
Aktibong nakilahok ang mga Criminology interns mula sa PHINMA University of Pangasinan, Metro Dagupan College, at mga senior high school students mula sa naturang bayan.
Kabilang sa mga aktibidad ay ang padamihan sa pagsalop ng tubig, paggamit ng fire extinguisher, at iba pang mga fire drill exercises. Layunin ng mga ito na mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan sa mga tamang hakbang na dapat gawin pagdating sa hindi inaasahang insidente.
Ayon kay Catte, ito ang kauna-unahang Fire Olympics na isinagawa sa bayan ng San Fabian.
Aniya, Isinasagawa ito upang bigyan ng mahalagang kaalaman ang mga mag-aaral sa tamang pag-aksyon tuwing may insidente ng sunog. Dagdag pa niya, ang aktibidad ay nagsisilbing paalala na hindi lamang ang pagpatay ng apoy ang trabaho ng BFP, kundi pati na rin ang pagiging aktibo sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kaligtasan sa sunog.
Panawagan ni Catte sa mga kabataan at residente ng bayan ng San Fabian na patuloy na magsanay at maging alerto sa mga usapin ng kaligtasan. Mahalaga ang tamang paghahanda at pag-iwas upang hindi lumala ang mga insidente ng sunog sa komunidad.