Dagupan City – Ganap na National Security Threat ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa di umano’y hired killer nito para paslangin sina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sa oras na paslangin din siya.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naging pag-sang-ayon din nito sa nakatakdang isagawang imbistigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa “Hired killer” ng bise.
Ayon kay Yusingco, kahit pa sabihin na hyperbole o pinaplano pa lang ang naging pahayag ni Duterte ay malinaw pa rin ang mensahe nitong ipapaslang ang pangulo.
Nauna nang nilinaw nito na kahit sinong pangulo ang nakaupo kung pinagbantaan ito ay agad na iotng ikokonsidera bilang isang National Security Threat.
Gaya na lamang ng nangyari noong administrasyong Duterte, kung saan pinagbantaan si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng isang guro at sinabi pang handa itong magbayad para ipapapatay si Duterte.