Dagupan City – Natagpuan sa kanal sa gilid ng kalsada ang wala ng buhay na isang lalaki sa Brgy. Salinap sa syudad ng San Carlos.
Ang biktima ay 65 taong gulang na residente ng nasabing brgy.
Ayon kay PCapt. Aldrin Tamayo – Operation Officer, San Carlos City PNP, sa naging salaysay ng anak ng biktima, pauwi na ang kanyang ama sakay ang kanyang bisikleta nang ito ay atakahin sa puso.
Galing umano ang biktima sa inuman kasama ang kanyang mga kaibigan. Dakong alas-10 naman ng gabi nang maireport ito sa kapulisan ng mga residente na nakakita sa katawan ng biktima na wala ng buhay.
Agad naman silang rumesponde kasama ang CDRRMC at dinala sa Pang. Prov. Hospital sa Brgy. Bolingit sa nasabing syudad ngunit idineklara na itong DOA.
Ayon sa anak ng biktima, wala din ito umanong sakit na dinadamdam at walang ding history ng sakit sa puso.
Ngunit paliwanag ng doktor na posibleng dahil sa edad ng biktima, ito’y nakainom, at dahil sa pagod ng pagbibisikleta, maaring naging dahilan naman ito kung bakit bigla na lang siyang inatake sa puso. (Nerissa Ventura)