Dagupan City – Nasawi ang isang 19 anyos na lalaki matapos itong malunod sa Sinucalan River sa bayan ng Sta. Barbara sa kasagsagan ng bagyong Kristine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymondo Santos – Head ng MDRRMO Sta. Barbara, kinilala ang biktima na si Peter Garcia, residente ng Brgy. Leet sa nasabing bayan.

Nang matagpuan naman ang bitkima ay dito na agad isinagawa ang paunang lunas, at agad na dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.

--Ads--

Ayon sa salaysay ng kasamahan ng biktima, nagkayayaan silang mag-inuman sa tabing ilog, hanggang sa napagdesisyonan ng mga itong maligo sa ilog.

Kung saan, habang naliligo ang mga ito, dito na nadulas nga ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkalunod.

Napag-alaman din na hindi marunong lumangoy ang biktima dagdag pa ang kaniyang pagkalango sa alak kung kaya’t nahirapan din itong lumangoy at umahon.

Sinubukan pa naman din itong isalba ng kaniyang kasamahan, ngunit malakas ang ragasa ng tubig ng ilog sa mga oras na iyon.

Ayon naman sa mga awtoridad, hindi nagkulang ang pamunuan ng bayan sa pag-abiso sa kanilang nasasakupan na bawal ang pagligo sa ilog lalo na sa kasagsagan ng bagyo.