Umabot sa 968 na mga magsasaka ang nabigyan ng Fertilizer Discount Voucher mula sa lokal na pamahalaan ng Tayug.

Pinangunahan nina Mayor Tyrone Agabas at Vice Mayor Lorna Primicias, kasama ang Municipal Agriculture Office na pinamumunuan ni Ms. Elvie Moreno ang nasabing pamamahagi.

Ang mga benepisyaryo ay mga miyembro ng aktibong Farmers Association o Farmers Cooperative na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture.

--Ads--

Ang mga magsasakang nagtanim ng hybrid na palay sa panahon ng tag-ulan ay ang mga nakakatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng ₱3,400.00 kada ektarya, depende sa lawak ng kanilang lupaing taniman na nakarehistro sa RSBSA.

Naglalayon ang nasabing gawain na mapalakas ang sektor na agrikultura sa bayan.

Malaki ang tulong ng programang ito para sa mga magsasaka sa pag-abot ng mas mataas na produksyon at upang matulungan sila sa kanilang mga gastusin sa pagbili ng pataba.

Dahil dito, ang mga benepisyaryo sa gawain ay lubos ang pagpapasalamat sa lokal na pamahalaan at sa Department of Agriculture dahil malaking ginhawa ang naidulot ng mga ito para sa kanilang pagsasaka.

Patunay ito ng pangako ng lokal na pamahalaan na suportahan ang sektor ng agrikultura sa Tayug dahil inaasahan dito na mas mapapabuti ang produksyon ng palay sa bayan at mapaangat ang kabuhayan ng mga magsasaka.