BOMBO DAGUPAN – Dead on arrival ang 26- anyos na lalaki dito sa lungsod ng Dagupan matapos masagasaan ng kotse.
Kinilala ang biktima na si Joshua Molina Zabala, isang service crew sa Camerlo Pares na may pwesto sa nasabing lugar at residente ng Barangay Malued habang ang driver naman ng kotse ay kinilala na si Antonio Zarate Callanta, 58-anyos na residente sa bayan ng Mapandan ngunit hindi nakapangalan sa kanya ang sasakyan.
Ayon kay Pmaj. Apollo Calimlim ang Deputy Chief of Police ng Dagupan City Police Station na nangyari ito bandang alas 10 ng gabi kahapon sa kahabaan ng Old Devenicia Highway sa Barangay Lucao.
Aniya na base sa inisyal na imbestigasyon bago ang insidente, ang biktima ay umano’y tumatawid sa kalsada patungo sa direksyon mula silangan patungong kanluran, nang ang nabanggit na sasakyan na noon ay tumatawid sa nasabing kalsada patungo sa hilagang direksyon papunta sa Calasiao ay hindi sinasadyang masagasaan ang pedestrian sa gitna ng nasabing kalsada.
Bilang resulta, ang nasabing biktima ay nagtamo ng malubhang pinsala at dinala ng CDRRMO Ambulance sa R1MC Annex, sa Barangay Bonuan Binloc para sa medikal na paggamot ngunit idineklarang dead on arrival.
Saad ni Pmaj. Calimlim na medyo madilim sa pinangyarihan ng aksidente at nakasuot ng maitim na damit ang nasabing biktima kaya maaring hindi ito napansin ng driver ng sasakyan kaya nangyari ang insidente.
Sa kasalukuyang nasa inquest proceedings na ang driver ng kotse kung saan maari nitong kaharapin ang kasong reckless imprudence Resulting to Homicide.
Samantala, malimit umano ang nangyayaring aksidente sa kakalsadahan ng Dagupan ngunit patuloy ang kanilang pagpapaalala sa mga pedestrian at motorista na mag-ingat sa kakalsadahan.
Sa kabilang banda, tuloy-tuloy ang kanilang pagpapatupad ng pagsusuot sa reflectorize vest bilang pagsunod sa provincial ordinance lalo na ang mga nagbabike o nagmomotor para makabawas sa kaso ng aksidente sa kakalsadahan sa lungsod.