DAGUPAN CITY — Mabilis ang naging pagkasawi ng isang 12-anyos na binatilyo matapos itong makuryente sa lungsod ng San Carlos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Mc Kinley Mendoza, Public Information Officer ng San Carlos City Police Station, kinilala nito ang biktima na si John Matthew Coro De Guzman, isang grade-2 pupil, at residente ng Sitio Sawang, Brgy. Doyong sa nasabing lungsod.
Aniya na lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na dakong alas-3 y media ng hapon kahapon ay kasama ng biktima ang menor de edad din nitong pinsan na naglaklakad sa may kalsada sa kanilang barangay nang madaanan nila ang isang puno kung saan ay may nakasabit na saranggola at napagdesisyunan ng biktima na akyatin ang puno upang kunin ito.
Habang ginagawa ito ng biktima ay aksidente nitong nahawakan ang isang live wire at dahil dito ay nakuryente at nahulog mula sa puno ang biktima.
Maaari naman aniyang nataranta ang pinsan nito natagalan sa pagtawag ng tulong.
Matapos maitawag sa Police Community Precinct ang insidente ay kaagad naman silang nakipagugnayan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office para magpadala ng ambulansya.
Sa kasamaang-palad ay wala ng buhay ang biktima ng makarating sa lugar ng insidente ang mga rumespondeng awtoridad.
Pagbabahagi nito na naipaalam naman sa mga residente ng nasabing barangay ang patungkol sa live wire, ngunit gawa na rin ng murang edad nito at pagnanais na makapaglaro ay maaaring hindi na ito napansin pa ng biktima.
Samantala, matapos namang maireport ang insidente ay kaagad naman pinatay ang daloy ng kuryente ng Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. na siyang namamahala sa kuryente sa lugar.
Kaugnay pa nito ay mas pinagting pa ng kooperatiba ang pagpapaalala sa publiko sa panganib na dala ng live wire lalo na kung ito ay mahahawakan.