DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang 35 anyos sa bayan ng Sta. Barbara habang sugatan naman ang live-in partner nito matapos umanong looban sa kanilang bahay at pinagsasaksak dahil sa selos.
Ayon kay PCpt. Cruzaldo Gano, ang operation officer ng Sta. Barbara Police Station, madaling araw nang pasukin ng kinilalang suspek na si Richard Quicho, 33 anyos, isang helper, residente ng Brgy. Minien East, sa naturang bayan, ang bahay nina Jeffrey Jose, isa ding helper, at ang ka-live in partner nito na si Mary Rose Sarmiento, 35 anyos, isang food vendor, at parehong residente ng nasabing lugar.
Natutulog umano ang mga biktima ng pasukin ni Quicho ang kanilang bahay. Nagising na si Sarmiento sa pagsigaw ng kaniyang kinakasama habang pinagsasaksak umano ito ng suspek sa dibdi nito. Sinubukan ni Sarmiento na pigilan ang suspek subalit nasaksak din ito sa kaniyang kamay.
Matapos ang krimen, nakita naman ni Evelyn Sarmiento, 38 anyos, kasal, isang housewife, at residente ng nasabing lugar, ang pagtakas ng suspek sa likuran ng bahay ng mag live-in partner habang dala-dala ang ginamit nitong patalim.
Nang puntahan nito ang naturang pamamahay, nakita na lamang nito ang nag aagaw buhay na si Jose habang sugatan naman si Sarmiento.
Agad naman dinala sa ospital ang 2 biktima ngunit ideneklara din dead on arrival si Jeffrey Jose.
Ani Pcpt. Gano, kanilang napag alaman na dati umanong live-in partner ni Sarmiento ang suspek. Subalit sa kasalukuyan ay may asawa itong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Samantala, boluntaryo naman sumuko ang suspek sa himpilan naman ng Urdaneta Police Station at nahaharap sa kasong murder.