DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang 53 anyos na babae sa Cabongaon Beach sa bayan ng Burgos matapos dalhin ng malakas na alon ang kanilang sinasakyang bangka sa malalim na parte ng karagatan.
Ayon kay PCapt. Jesus Tambalo, Deputy Chief of Police ng Burgos Police Station, kinilala ang biktima na si Norina Habiatan, 53 taon gulang, government employee, at residente ng Brgy. Mabatobato, Lamut, Ifugao.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagkakasiyahan ang biktima kasama ang kaniyang asawa habang lulan ng isang banana boat sa nasabing beach sa Sitio Cabongaon, Brgy. Ilio-Ilio, sa naturang bayan, dito sa lalawigan ng Pangasinan nang tangayin ng malakas na alon ang kanilang sinasakyan na bangkas patungo sa malalim na parte ng karagatan. At dahil dito, tumaob umano ang kanilang sinasakyan at nahulog sa katubigan ang mag-asawa.
Agad naman dinala ang biktima ng kaniyang asawa at binigyan din ito ng paunang lunas at tsaka itinakbo sa Bobonot Community Hospital, sa bayan ng Dasol. Ngunit idineklara din itong wala ng buhay pa.