DAGUPAN CITY – Sugatan ang isang 46 anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng kaniyang bayaw dahil sa away pamilya sa bayan ng Malasiqui.
Ayon kay Plt.Col. Edgar Palaylay, Officer in Charge sa Malasiqui PNP, dakong 11:45 ng umaga sa Brgy. Potoican sa bayan ng Malasiqui, kinilala ang suspek na si Jaime Torio Oranza, 27 anyos, residente ng Brgy. Tomling, sa naturang bayan habang ang biktima na kaniyang bayaw ay si Ronaldo Fernandez Manansala, 46 anyos, residente rin sa parehong lugar.
Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, bandang 10:30 ng umaga nang umiinom ng alak ang biktima sa gilid ng kaniyang tahanan kasama ang mga kaibigan nito na sina Pepito Samson, Bernard Vasquez Kaime Fernandez Jr., at Joel Fernandez, mga residente din ng nasabing lugar, nang dumating si Oranza sakay ng kaniyang tricyle. Bigla na lamang umano ito lumapit kay Manansala at pinagbabaril ito.
Agad naman tumakas ang suspek matapos ang ginawang pamamaril at naiwang sugatan ang biktima sa kaliwang hita at kamay. Agad naman dinala ang biktima sa pagamutan sa lungsod ng Dagupan.
Ani Plt.Col. Playlay, sasampahan ng biktima ang suspek ng kasong Frustrated murder.
Samantala, tinurn over ni Brgy Kagawad Rubenson Samson sa kapulisan ang narekober na 6 na basyo ng bala at isang bala ng caliber .45.