Dagupan City- Pinarangalan ng Police Regional Office 1 ang Dagupan City Police Station sa pangunguna ni PltCol. Brendon Palisoc, Chief of Police ng naturang tanggapan ng Medalya ng kagalingan o PNP Medal of Merit kasama ang apat pa ng kawani ng Dagupan City Police sa katauhan nina PCpt. Joy F Salvador, PSMS Stephen B Decano, PSSg Joseph R Bautista, at PSSg Conrado L Borja.
Ayon kay PltCol. Brendon B Palisoc, ang natanggap na parangal at pagkilala ay patunay na seryoso at aktibong nakikipaglaban ang mga kawani ng Dagupan City Police sa pagsugpo sa iligal na droga sa lungsod.
Ang aktibidad ay kaugnay sa kanilang ipinakitang determinasyon para sa matagumpay at maayos na pagpapatupad ng Drug Buy-Bust Operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Camar Dirampatun 40-anyos, at residente ng Barangay Lasip sa bayan ng Calasiao.
Kung saan ay nakumpiska sa naturang suspek ang anim na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000.
Pagsisiguro naman ni Palisoc, hindi aniya dito nagtatapos ang kanilang pakikipaglaban sa anumang katiwalian at iligal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.