Handang handa na ang mga paaralan sa Lungsod ng Dagupan para sa pagbabalik ng klase sa August 22, 2022.
Ayon kay Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent, SDO Dagupan, sapat ang mga paaralan para ihanda ang kanilang eskuwelahan sa pagbabalik ng klase.
Sa katunayan ay noon pang buwan ng Marso ay nag umpisa na umano ang mga paaralan sa limited face to face classes.
Tinawag naman ni Fernadez na magandang development sa sistema ng edukasyon sa bansa ang anunsyo ng DEPED na uumpisahan na sa November 2 ng taong kasalukuyan ng lahat ng public at private school ang limang araw na face to face classes.
Sa kasalukuyan ay tinatapos na lang ang mga aktibidad sa school year 2021-2022.
Susunod naman nilang paghahandaan ang maihanda ang kanilang mga school facilities at mga learning materials.
Dagdag pa nito na magkakaroon din sila ng mga aktibidad gaya ng Brigada Eskuwela at Oplan Balik Eskuwela.
Una rito ay naglabas na ang Department of Education (DepEd) ng mga alituntunin ng School Calendar and Activities para sa School Year 2022-2023 sa lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa.
Alinsunod ito sa nilagdaang DepEd Order No. 034, series of 2022 ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio na nagtakda naman sa pagsisimula ng naturang pasukan mula August 22, 2022 at magtatapos naman pagsapit ng Hulyo 7, 2023.