Halos 70 na ang kaso ng delta variant ng COVID-19 dito sa Rehiyon Uno, matapos na muli na naman itong madagdagan.
Ito ang nabatid mula kay Dr. Rheuel Bobis, Department of Health Center for Health Development Region 1 (DOH-CHD 1) COVID 19 focal person sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Sa ngayon umakyat na aniya sa 68 ang sinasabing mas mapaminsalang variant ng COVID 19 ito’y matapos na kumpirmahin ng Philippine Genome Center (PGC) na ang anim sa 19 na sample na ipinasuri sa ahensya. Dagdag pa ni Bobis, ang mga ito ay pawang mula sa lalawigan ng Ilocos Sur habang ang 13 sample ay hinhintay pa ang kumpirmasyon.
Sa kasalukuyan, asymptomatic ang 19 na binabantayang mga indibiduwal bagamat nasa kanikanilang mga isolation facility na ang mga ito.
Inihayag naman ni Bobis, na sakasalukuyan ay hindi pa matukoy ang totoong origin o pinagmulang lugar ng mga binabantayang mga indibiduwal dahil nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon sa mga ito.