DAGUPAN CITY–Dahil sa limang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod, patuloy na ipapatupad ng city government ang mga alituntunin o guidelines para sa general community quarantine (GCQ).

Ito ay matapos suspindihin ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim ang implementasyon ng Executive Order (EO) No. 30-A na nagtatakda ng mga basic guidelines para sa modified general community quarantine (MGCQ) na ipapatupad na sana ngayong araw, Hunyo 1.

Sa EO No. 31 na kanyang nilagdaan, sinabi ni Mayor Lim na kailangan ang muling pagpapatupad ng mas mahigpit na mga alituntunin upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko at maiwasan ang posibleng pagkalat ng Covid-19 sa lungsod.

--Ads--

Kahapon ay nagpadala na sulat si Mayor Lim sa Covid-19 Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases upang hilingin na panatilihin ang Dagupan sa ilalim ng GCQ.

Sa pagpapatuloy ng pagpapatupad ng GCQ guidelines sa ilalim ng EO No. 30 na kanyang ipinalabas noong Mayo 16, muling nanawagan si Mayor Lim sa mga Dagupeño na manatili na lang sa loob ng kanilang mga tahanan kung hindi naman importante ang kanilang gagawin, katulad ng pagbili ng pagkain o gamot.

Nanawagan din siya sa mga business establishments na mahigpit na ipatupad ang minimum health and safety standards, katulad ng “no face mask, no entry” policy, paglalagay ng mga hand sanitation stations, at pagsunod sa social at physical distancing rules.

Dagupan City Mayor Marc Brian Lim

Ayon kay Mayor Lim, marami pa rin ang posibleng infected ng Covid-19 virus na gumagala sa lungsod ang asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas, katulad ng limang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod na pawang mga front-liners.