DAGUPAN CITY– Mahigpit ngayon ang ginagawang koordinasyon ng PNP Pangasinan sa Manila Police District para sa malalimang imbestigasyon sa pagpasok ng lider ng isang drug group sa Maynila dito sa lungsod ng Dagupan.

Matatandaan na nasawi matapos manlaban sa mga otoridad ang suspek na si Dante Alviar, 34 anyos, residente ng Tondo, Manila at lider ng Balong Drug Group na matagal nang tinutugis sa Maynila at Top 3 most wanted ng Manila Police District.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Capt. Ria Tacderan, Spokesperson ng Pangasinan PNP, na magsisilbi lamang sana ng warrant of arrest ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Dagupan sa suspek sa tinutuluyan nitong tahanan sa Brgy. Bonuan Boquig nang magpaputok ito ng baril sakanila kaya’t napilitan nila itong gantihan ng putok.

--Ads--

Napag-alaman na sangkot din ang suspek sa pagpatay sa ilang opisyal na iniimbestigahan kung kabilang din sa gun for hire group.

Dagdag pa ni Tacderan, kabilang ang napaslang na suspek sa mga nastranded na indibiduwal dito sa lalawigan matapos na ipatupad noon ang Enhance Community Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19 pandemic.

Aniya sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon upang malaman ang kinaroroonan ng iba pa nitong mga kasamahan.

P/Capt. Ria Tacderan, Spokesperson – Pangasinan PNP

Samantala, bukod sa nabanggit na operasyon inihayag pa ni Tacderan na maraming naitalang accomplishment ang Dagupan City PNP na may kaugnayan sa kampanya laban sa iligal na droga.

Dahil bukod aniya kay Alviar, isa pang suspek na kinilala ni Tacderan na si Haegan Marmolejo, 34 anyos, residente ng Brgy. Caranglaan ay nakuhanan ng kabuoang apat na sachet ng hinihinalang droga sa isinagawang drug buybust operation.