DAGUPAN CITY–Nakalabas na sa isolation building ng Pangasinan Provincial Hospital ang Case no. 18 na nagpositibo sa Coronavirus disease sa lalawigan ng Pangasinan matapos na magnegatibo ito sa kanyang pinakahuling throat swab.

Matatandaang ang naturang pasyente ay isang nurse sa bayan ng Malasiqui na nagkaroon ng close contact sa doctor na nasawi kamakailan lamang kung saan ito ay nagpositibo din sa naturang virus sa bayan ng Bayambang.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pangasinan Provincial Health Officer Dra. Ana Marie De Guzman, inihayag nito na natapos na ng nasabing pasyente ang kanyang gamutan at nang sumailalim nang muli ito sa pagsusuri ay nagnegatibo na ito sa naturang sakit.

--Ads--

Matatandaang noong Marso 16 nang na-admit sa Pangasinan Provincial Hospital ang biktima at matapos ang ilang pagsusuri at gamutan ay nakalabas na ito ng ospital.

Samantala isasailalim pa rin ito sa 14 day home quarantine kahit na lumabas na ang resulta ng kanyang pinakahuling pagsusuri kung saan nagnegatibo na ito sa naturang sakit.

Giit ni De Guzman na sinisiguro lamang ng mga health officials na talagang negatibo na ito sa COVID-19 at upang tuluyan nang hindi bumalik ang naturang sakit.

Dagdag pa nito, sa ngayon ay sasailailalim na lamang ito ng isang pagsusuri at oobserbahan pa rin ng 14 na araw upang kuhanan muli ito ng laboratory test.