DAGUPAN CITY – Pinabulaanan ng Local Government Unit o LGU San Fabian ang ilang balita at pahayag na mayroon ng nakitaan ng sintomas ng Covid-19 sa ilang indibidwal na huling nakasalamuha o nagkaroon ng direct contact sa kauna-unahang indibidwal na nag positibo sa naturang sakit sa kanilang nasasakupan na nagawa pang paglamayan.

Ayon kay San Fabian Municipal Health Officer Dr. Jose Quiros Jr. 100% na ang resulta ng kanilang isinagawang contact tracing.

Tinatayang 170 ang bilang ng mga indibidwal na iprinisenta sa Special Session kung saan ang mga ito ay maigting na binabantayan at nasa estado pa rin ng home quarantine.

--Ads--

Matatandaan na noong April 1, nang kumpirmahin mismo ni Mayor Constante Agbayani na mayroon na din silang kauna-unahang kaso ng Covid-19 na isang 7 taong gulang na batang babae, residente ng Brgy. Inmalog Sur.

March 22, nang isinugod pa sa La Union Medical Center ang pasyente ngunit pagsapit ng March 26, agad din itong binawian ng buhay.

Hindi kaagad nalaman ng kaanak ng biktima na ito’y positibo sa Covid-19 kayat nagawa pa nila itong lamayan ng ilang araw.

May mga lumabas na balitang nakararanas ngayon ng sintomas ng Covid-19 ang ilang dumalo sa lamay ng naturang biktima maging ang mismong embalsamador na nag-ayos sa labi ng biktima , bagay na sinalungat naman ni Dr. Quiros.

Aniya, mahigpit ang isinasagawa nilang monitoring sa mga kaanak maging sa ibang nakasalamuha ng biktima kayat makikita nila agad kung mayroon na bang na infect sa kanila. Giit nito na hanggang sa ngayon wala pa kahit isa ang nagpapakita ng sintomas.

Matatandaan na maging ang kanilang alkalde ay nagkaroon ng direct contact sa mga magulang ng biktima pero sa kasalukuyang estado nila habang naka home quarantine, hindi pa din aniya ito nakikitaan ng anumang sintomas ng sakit.

April 4, araw ng Sabado nang pormal na ihayag ni Mayor Constante Agbayani na sila’y magkakaroon ng total lockdown at sa ngayon pinag aaralan pa nila kung ito’y palalawigin.